Ang anti-demokratiko at di-siyentipikong proyektong Aerotropolis ng San Miguel Corp.
Fernando “Ka Pando” Hicap
Tagapangulo, Pambansang Lakas ng
Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas
Dating Kinatawan, Anakpawis Party-list
Click image to download the file.
Click here for booklet layout
Habang itinatambol ng kutsabahang rehimeng Duterte at ni Ramon Ang, Presidente ng San Miguel Corporation ang proyekto nitong 2,500-ektaryang Aerotropolis sa Bulakan, matibay ang pagtutol ng mga komunidad ng mangingisdang direktang apektado nito, ang pambansang kilusang ng mamamalakaya, ang iba’t ibang sektor na nagtataguyod ng Manila Bay Rehabilitation at binabansagan itong anti-demokratiko, di-siyentipiko at makasisira sa kalikasan ng Manila Bay.
Kinwestyon ng Pamalakaya ang madramang pag-anunsyo ng Department of Transportation (DOTr) sa konstruksyon ng P735-bilyong New Manila International Airport, ang sentro ng proyektong Aerotropolis, na magsisimula sa pagtatapos ng taon, habang malinaw na wala itong environmental compliance at mismong ang SMC ay nagtatago at hindi humaharap sa mga apektadong sektor. Sa halip, ito ay gumamit ng dummy na korporasyong Silvertides Holdings Corporation. Ito ang napaulat na kinontrata ng SMC para sa 2,500-ektaryang “land development” project na napipilipit silang ipagkaiba sa reklamasyon sa bahagi ng Manila Bay. Ito ay habang lahat ng bagay patungkol sa Barangay Taliptip ng bayan Bulakan, ang lokasyon ng proyekto ay hindi mapagkakaila na bahagi ito ng Manila Bay, na ipinag-utos ng Korte Supreme noong 2008, na linisin, i-rehabiliteyt, at i-preserba, at ang tubig nito ay mai-restore at mamintina. Mismong ang administrasyong Duterte ang nakakaalam na ang Aerotropolis project ay isang reclamation project, na nilantad noong idinepensa nito ang environmental compliance certificate o ECC ng Silvertides Holdings.
Ang “mapagkawanggawa” at “malakas” na SMC
Kapansin-pansin na mismong si Ramon Ang ang lumalantad sa publiko, para magpakilala at lumapit umano ang personalidad nitong negosyante sa mga mahihirap na sektor, na mismong siya ang humarap sa isang gimik ng kanyang feeding center sa Tondo, Manila. Ipinakikilala niya ang sarili bilang dating working student na nagtagumpay sa bilang isang “nation builder,” na halos katulad ng iskrip ng isa niyang kasama sa listahan ng Forbes ng pinakamayaman sa bansa, na ngayon ay nasa tuktok ng tatsulok ng panlipunang di-pagkakapantay-pantay o social inequality. Nabahala umano siya sa krisis ng tubig sa Manila kung kaya inalok niya ang water quota sa Angat dam ng SMC, habang kaya nga ito naganap dahil sa patakarang pribatisasyon, na mismong balangkas na pinagkukunan niya ng gahiganteng tubo. Nagmungkahi rin siya ng “elevated EDSA” bilang kanyang pag-aalala sa trapik. Ipinapamukha niya na ang SMC ay isang mapagkawanggawang monopolyong korporasyon na nagtataguyod ng responsibilidad panglipunan, sa kabila na ang kasaysayan nito ay hindi mahihiwalay sa pandaramong sa bilyun-bilyong pisong coconut levy fund, malawakang pagbuwag sa mga unyon ng mga manggagawa noong dekada 90, profiteering sa walang katapusang oil price hike, at pagsira sa kalikasan. Ginagaya niya ang populistang lapit na nagpanalo kay Duterte, na ipinangako ang lahat ng kaginhawaan sa mahihirap noong panahon ng kampanya, ngunit impyerno ang ipinatupad sa pagkaupo nito.
Nagyayabang lang si Ang sa pag-anunsyo nitong salo ang buong P735-bilyon badyet para sa proyektong NMIA, na walang gagastusing anuman ang gubyerno, at ang konstruksyon nito ay magsisismula sa pagtatapos ng taon, sa kabila ng kawalang ECC. Kung ikakabit ito sa balitang bumagsak ng 18% ang netong kita ng SMC noong 2018 at bumagsak ng 5% nitong unang hati ng 2019, magmimistulan itong nagbebenta lang ng produktong hindi pa gawa. Malaking korporasyon man ang SMC, niligalig naman ito ng pagbagsak ng halaga ng stocks sa mga nakaraang taon. Sa unang hati ng termino ng administrasyong Aquino (2011-2013), ang abereyds na presyo nito ay nasa P119 ngunit sa sumunod na hati ay bumagsak ito sa P74. Tumaas ito sa ilalim ng rehimeng Duterte (2017 – Setyembre 2019) na nag-abereyds ng P149. Gayunpaman, bumagsak ito mula P180 noong Setyembre 25 tungong P163 nitong Oktubre 3. Malayo pa nga ito sa pinakamataas na P195 noong Mayo 9. Samakatuwid, ang sandamakmak na gimik ni Ang at Tugade ay bigo para manloko ng mga investors at pataasin ang demand para sa mga stock nito.
Di-siyentipikong proyekto
Noong Mayo 2011, ang Japan International Cooperation Agency (JICA) ay nag-ulat sa administrasyong Aquino na may pangangailangan sa bagong airport para sa Greater Manila Area dahil sagad na ang Ninoy Aquino International Airport. Noong Oktubre 2013, lumabas sa pag-aaral nito na ang potensyal na lokasyon ay ang Sangley Point at sa Laguna Bay. Hindi nito isinama ang Bulakan dahil hindi raw ito papasa sa batayang “cost and viability.” Noong Hunyo 2014, ipininal nito ang pag-aaral at nirekomenda ang Sangley Point bilang lokasyon ng bagong airport at matatapos ang feasibility study para sa target na pagbubukas sa 2025. Noong Agosto 2015, natanggap ng Department of Transportation and Communication (DOTC) mula sa JICA ang feasibility study para sa New Manila Sangley Airport.
Sa ganito ring panahon, nag-mungkahi ang SMC noong Mayo 2014, ng $10-bilyong airport project sa Manila-Cavite Expressway sa ibabaw ng ni-reclaim na 1,600-ektarya sa Manila Bay. Gayunpaman, ang pinagtuunan pa rin ng pansin ng administrasyong Aquino ay ang rekomendasyon ng JICA na nakabatay sa masusing pag-aaral. Pinatunayan nitong walang pakialam ang SMC kung i-reclaim man nito ang Manila Bay at sirain ang kalikasan nito.
Kung ipaghahambing, ang mungkahing New Manila Sangley Airport ay nakatuntong sa JICA feasibility study bilang siyentipikong batayan, habang ang NMIA ng SMC ay nakatuntong lamang sa ECC ng hiwalay na “land development” project ng dummy nito na Silvertides Holdings. Kaduda-duda rin na hindi isinasapubliko ang ECC na ito at iniiwas sa pampublikong kritisismo, dahil malinaw na ang lokasyon nito ay bahagi ng Manila Bay at kilala bilang bahain. Wala ngang isinapublikong feasibility study ang SMC para sa proyekto nito, at ang inilabas lamang nito ay bidyo ng mga computer-aided design ng NMIA, na malinaw para lamang akitin ang publiko at mga target nitong investor.
Dagdag pa, halos lahat ng hazard at flood map ng Bulacan ay kumokontra sa proyekto ng SMC. Ang bayan ng Bulakan ay klasipikadong flood-prone area, bulnerable sa coastal flooding bunga ng storm surges at high tide na kasingtaas ng 4 metro. Habang ang mga katabing bayang Meycauayan, Marila, Bocaue at Sta. Maria ay bulnerable sa pagbaha bunga ng “ponding” o pagkakaimbak, habang ang ibang bahagi ng Meycauayan ay bulnerable sa flash flood na maaring magbunga ng landslides. Ang vulnerability nito sa lindol na intensity 8 ay kinlasipika bilang “very destructive to devastating ground shaking.” Delikado rin ito sa liquefaction o pagkawala ng lakas ng lupa.
Hanggang ngayon, walang siyentipikong batayang inilalathala ang SMC para sa proyekto nitong NMIA, maliban na lang sa walang prenong pahayag sa media ni Ramon Ang at Tugade, at ang bidyo nito na gawa sa kompyuter.
Anti-demokratikong proyekto
Pinakamaagang narinig ng mga direktang apektadong mangingisda at residente ang proyekto noong 2008, kapanahunan din ng malawakang pamimili ng fishpond ng Silvertides Holdings, na umabot sa 3,000 ektarya. Sa mga nakaraang taon, hindi nagpakita ng mukha ang SMC sa mga apektado, ngunit ang mga lokal na opisyal ay nagpaabot sa kanila na ire-relocate sila. Walang paunang mga pulong o konsultasyon o benyu na maari silang magpahayag, biglaan silang tinuring na mapapalayas sa kanilang mga tahanan at pinagkukunan ng kabuhayan.
Noong Abril 2018, dumulog ang mga apektadong mangingisda at residente sa tanggapan ng dating Bulakan Mayor Patrick Meneses at isinumite ang kanilang petisyon kontra sa proyekto. Ngunit noong magsasama-sama na sila para sa isang ligal at demokratikong aksyon, sila ay hinaras ng mga pulis. Ang layunin lamang nila ay isumite ang petisyon at magpahayag ng kanilang mga hinaing, sila ay dinala sa istasyon ng pulis. Tinakot silang ikakansela ang benepisyo sa 4Ps. Ito ay sa kabila ng wala pa raw nakukuhang detalye ang lokal na pamahalaan ukol sa proyekto. Kaakibat nito, nagputol ng 600 na mangrove ang Silvertides sa Sitio Bunutan at nang ito ay kwestyunin ng mga apektado, ang banggit ng mga operator ay alam daw ito ni mayor.
Noog Agosto 2018, sa isang diyalogo ng mga apektadong mamamayan sa tanggapan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) Region III, nabunyag na ang mga lupa sa Brgy. Taliptip ay “non-alienable” at “non-disposable” kung kaya maanomalya ang pagkakabili ng Silvertides sa mga ito. Noong Pebrero 2019, nangontrata naman ang Silvertides ng isang consultacy firm, ang Philkairos, Inc. para gumawa ng “Environment Impact Assessment” ng “land development” project na ipinresenta sa mga apektadong mamamayan. Ibinunyag ng mga kinatawan nito na tatambakan nito o “back-fill” ang 2,375 ektaryang fish pond ng 3 metro, na nangangailang ng 205 milyong cubic meters na kukunin daw sa Pampanga. Sa kapanahunan ding ito, itinambol ng DENR ang Manila Bay Rehabilitation Program, na nagsimula sa unang yugto nitong clean up. Habang ang publiko ay nakatuon sa “Battle for Manila Bay” clean up sa Maynila, may reclamation project namang nagsisimula sa bahaging Bulacan ng Manila Bay.
Dagdag rin dito, ang pagliko ng rehimeng Duterte mula sa mga nauna nitong pahayag noong Disyembre 2016 na ire-develop ang naval base sa Sangley Point sa Nobyembre 2017. Kasing-aga ng Hulyo 2016, kinokonsidera nito ang Sangley Point at Laguna Bay, batay sa rekomendasyon ng pag-aaral ng JICA.
Noong Oktubre 2016, ang SM Investments Corporation ay nag-anunsyo na interesado itong makipagsosyo sa All-Asia Resources and Reclamation Corporation (ARRC) na nagtutulak ng $20-bilyong proyektong airport at seaport sa Sangley Point. Noong Pebrero 2017, ang SMC ay nagsumite ng kanyang $14-bilyong, 1,168-ektaryang proyektong airport complex, na bahagi ng 2,500-ektaryang aerotropolis sa bayan ng Bulakan. Makalipas ang isang buwan, nagsumite ang SMIC-ARRC ng $12-bilyong proyektong Philippine Sangley International Airport.
Kahit na may JICA feasibility study para sa New Manila Sangley Airport, ang National Economic and Development Authority (NEDA) ay nag-apruba sa concession agreement sa pagitan ng DOTr at SMC. Noong Abril 2019, naglunsad ng “swiss challenge” ang DOTr para sa NMIA sa Bulakan, at tinapos ito makalipas ng 4 na buwan dahil wala umanong tumapat dito. Umaalingasaw ito sa pagkiling sa SMC, dahil ang mismong JICA nga ay inabot ng limang taon para mabuo ang feasibility study at rekomendasyon nito, ngunit ang naturingang “challenge” na ito ay natapos ng wala pang isang taon.
Lumalabas na minamadali dahil noong Hulyo 2019, inilabas ng DENR III – EMB ang ECC ng Silvertides Holdings.
Sa kabila ng pagtutol ng mga direktang apektadong mangingisda at mga residente, ng Kagawa ng Barangay Taliptip at Chairperson ng Agriculture and Fisheries Committee, ang takot ng Chairperson ng Municipal Agriculture and Fisheries Council, protesta ng mga pamprobinsya, pangrehiyonal at pambansang kilusang mamamalakaya, ng mga environmental defenders at advocates ng Manila Bay Rehabilitation at heritage, patuloy ang rehimeng Duterte sa mga postura nito, para humimok ng popular na suporta at investment.
Ang panawagan ng mamamayan
Ang mga direktang apektadong mamamayan at tagapagtaguyod ng Manila Bay Rehabilitation ay naninindigan sa pagtutol sa proyektong NMIA at Aerotropolis ng SMC. Wawasakin nit oang mga komunidad at pinagkukunan ng kabuhayan ng mga mamamayan, wawasakin ang kalikasan at babaguhin ang shoreline ng Manila Bay. Ang mga nag-apruba nito mula kay Duterte, Tugado, mga lokal na opisyal at iba, ay sumusugal sa kanilang lantarang paglabag sa Supreme Court mandamums para sa Manila Bay Rehabilitation. Itinataya rin nila ang suporta ng kanilang nasasakupan, gayong sila rin ay apektado ng proyektong ito, dahil magbubunga ito ng pagbaha at pagkawasak ng mga tirahan at ari-arian. Dapat na masusing magsuri ang mga burukratang nasa pusisyon dahil ito ang magtatakda ng kanilang karera sa pulitika. Sila ay tumataya batay lamang sa pangako ng isang komprador na nakalista sa Forbes bilang pinakamayaman sa bansa, kahit na ito ay iligal, at kontra sa kalikasan at kagalingan ng kanilang nasasakupan.
Malinaw ang panawagan ng mamamayan, at ang mga nasa puder ay mananagot sa paglabag nito sa tiwala ng mamamayan at pagbalewala sa kanilang kagalingan. ###
I’ve been absent for some time, but now I remember why I used to love this website. Thanks, I’ll try and check back more often. How frequently you update your web site?