PAHAYAG NG PANININDIGAN NG PAMALAKAYA UKOL SA HOUSE BILL 239 O GENUINE AGRARIAN REFORM BILL NA PANUKALA NG MGA MAMBABATAS SA ILALIM NG KOALISYONG MAKABAYAN

PAHAYAG NG PANININDIGAN NG PAMALAKAYA UKOL SA
HOUSE BILL 239 O GENUINE AGRARIAN REFORM BILL NA PANUKALA
NG MGA MAMBABATAS SA ILALIM NG KOALISYONG MAKABAYAN

Ang Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas ay kabahagi ng malawak na kilusang magbubukid sa bansa, sa pagsuporta sa pagsasabatas ng House Bill 239 o Genuine Agrarian Reform Bill o GARB, na panukala ng mga mambabatas sa ilalim ng Koalisyong Makabayan ngayong 18th congress.

Naniniwala ang PAMALAKAYA na ang GARB ay para sa pagsusulong ng pambansang at demokratikong interes ng mamamayang Pilipino, pangunahin ng milyun-milyong mula sa uring magbubukid at iba pang sektor na nakabase sa kanayunan. Ang panukala ay sumasalamin sa prinsipyo ng hustisyang panlipunan, pangunahin sa probisyon nitong “Libreng Pamamahagi ng Lupa,” na pagkilala sa makasaysayang ambag ng uring magbubukid sa pagpapaunlad ng lupa na naging hakbang upang kamtin ang mga mahahalagang pangangailangan ng populasyon sa pagkain, at iba pang pangangailangan ng lokal na ekonomiya.

Ang GARB, kasabay ang pagpapatupad ng mga tunay na programang pang-repormang agraryo at pang-agrikultura, ang magbubunga ng tunay na “kalayaan” o emancipation ng masang magsasakang Pilipino na ilang siglo nang nakalugmok sa kahirapan, kagutuman, pang-aapi at pagsasamantala. Magiging bunga ng puspos na pagkilala ng karapatan sa lupa ng mga magsasaka, ang angkop na pagbibigay ng pagsasaalang-alang sa kanilang mga paninindigan o opinyon sa pagbubuo ng patakaran at programang ipapatupad sa bansa, na sa kalauna’y papawi sa kanilang mardyinalisasyon o eksklusyon.

Ito rin ay magsisilbing hakbang para makamit ng lipunang Pilipino ang pangmatagalang kapayapaang nakabatay sa hustisya, na papawi sa materyal na kondisyon ng armadong tunggaliang sumisidhi ngayon sa kanayunan. Dagdag pa sa mga ito, ang batayan ng PAMALAKAYA sa panawagang isabatas ang HB 239 GARB ay ang mga sumusunod:

  1. Bigo ang mga nakaraang programa sa repormang agraryo, partikular ang Comprehensive Agrarian Reform Program o CARP.
    1. Ayon sa DAR, namahagi ito ng 4.8 milyong ektarya sa 2.8 milyong ARBs hanggang Disyembre 2016, o halos 90% ng working scope na 5.4 milyong ektarya. May balanse umanong mahigit 600,000 ektaryang dapat saklawin. Habang sa saklaw ng DENR, umabot ng 3.5 milyong ektarya (Public A&D, CBFM at ISF) para sa 2.7 na ARBs. (Ukol sa 30 taon ng CARP, Ballesteros, PIDS, Disyembre 2017)
    2. Kung ipagpapatuloy ito ay ilalapat ang abereyds na halagang ginugugol sa kada ektaryang sinaklaw ng RA 9700 o CARPer na mula P124,000 hanggang P140,000, papalo ito ng P75 bilyon hanggang P84 bilyon. Ito ay bukod pa sa ginugol na P150 bilyon sa 5 taong pagpapatupad ng CARPer mula 2009 hanggang 2014.
    3. Ang kabuuang ginugugol sa 30 taong pagpapatupad ng CARP (1987-2016) ay umabot sa P286 bilyon (DAR, DENR, LBP, LRA, DA, DPWH, NIA, DOLE, TLRC) o abereyds na P9.5 bilyon kada taon. Umabot ng mahigit P64 bilyon o 22% ng kabuuan ang kumpensasyon sa mga panginoong maylupa.
    4. Daan-daang bilyong piso ang ginugol sa CARP, ngunit hindi pa rin ito natapos, at pinakamalala ay hindi nito niresolba ang kawalang lupa sa hanay ng masang magsasaka, at ang mga tinuturing na ARBs sa accomplishment nito ay hindi malinaw ang kasalukuyang kalagayan, na kung nananatili pa rin sa lupa o matagal nang pinalayas, tulak ng mga exemption provision ng batas.
    5. Ang nasa gubyerno, na naturingang nakapag-aral at nakakuha pa ng mas mataas na edukasyon ay dapat agarang maintindihan na ang CARP ay bigo, paglulustay ng pondong publiko at mula sa mga magsasaka, ngunit bigo sa pagkamit ng binanggit nitong layunin.
    6. Bigo ito dahil hindi nito sinalamin ang hustisyang panlipunan at inobliga nitong pagbayarin ang mga magsasaka, at makinabang pa ang mga panginoong maylupa sa kumpensasyon sa halagang kanilang itinakda. Ito ay hindi reporma kundi isang transaksyong bentahan ng lupa na ginarantiya lamang ng gubyerno.

  2. Ang bahaging V, Free Land Distribution, Section 8 to 11, ay tunay na magsisilbi sa maralitang magsasaka sa bansa. Wala ni isang kusing na babayaran ang mga magsasaka, buburahin ang anumang pagkukulang sa amortisasyon sa balangkas ng CARP at PD 27, at ang mga pinalayas na mga ARBs ay ibabalik sa mga sakahang kanilang pinaunlad ng maraming taon.

    Ang pag-iisyu ng Title of Full Emancipation ang seselyo sa ilang siglong suliranin ng masang magsasaka sa kawalang lupa at magsisilbi bilang batayan ng kanilang demokratikong karapatan, kalayaan sa pang-aapi at pagsasamantala, pasistang atake mula sa mga despotikong panginoong maylupa.

    Babaguhin ng mga probisyong ito ang katayuang panlipunan ng masang magsasaka, na sa kasalukuyan, ay tinuturing na maralita, api, pinagsasamantalahan at hindi kinikilala o marginalized.

  3. Ang Section 12, o pagsaklaw ng estado sa mga lupaing mahigit 5 ektarya, ay desidido at seryosong hakbang upang I-demokratisa ang kontrol rito mula sa mga malalaking panginoong maylupa tungo sa mga maralitang magsasaka. Magtutulak din ito sa walang-tigil na produktibidad kung saan malaya ang mga magsasakang bungkalin at paunlarin ang mga sakahan. Sa probisyong ito, makikinabang ang lahat ng rehiyon at probinsya dahil walang matitiwangwang at lahat ng lupa ay mapapanatiling produktibo.

  4. Ang Section 13, o Filipinisasyon ng mga dayuhang agro-korporasyon at pagpapailalim nito sa estado at kooperatiba ng mga manggagawang agrikultural ay pambansa-demokratikong hakbang, kung saan ang mga malalawak na sakahan ay maipag-aambag sa mga pangangailangan ng pambansang ekonomiya at industriya, habang pinapangalagaan ang mga demokratikong interes ng mga manggagawang agrikultural at manggagawang bukid.

  5. Ang Section 16, o kumpiskasyon ng “sullied” landholdings, o mga lupang nakuha ng mga panginoong maylupa gamit ang dahas, panlilinlang at iba pang imoral na pamamamaraan, ay seryosong hakbang para sa hustisyang panlipunan, laban sa pagsasamantala at pang-aapi ng mga mayayaman. Kung ang kasalukuyang rehimen ay ginagawang populistang islogan ang mga banta nito sa oligarkiya, ang probisyong ito ang totoong magsisilbi sa maralitang magsasaka sa bansa.

  6. Ang bahaging VIII, Land Reform Zones, ang kongkretong hakbang upang ipagsilbi ang programa para sa repormang agraryo sa tunay na demokrasya, kaunlaran ng kanayunan, pambansang kaunlaran at progreso. Ito ay mekanismo upang mabigyang direksyon ang sektor ng agrikultura para sa kapakinabangan ng iba pang sektor sa bansa tulad ng mga maliliit na negosyante.

    Reresolbahin ito ang kakulangan ng lupa sa isang lugar, at isusulong ang kooperatibisasyon at kolektibisasyon ng produksyong agrikultural. Titiyakin nito ang sapat na pakinabang ng mga magsasaka sa repormang agraryo.

    Gayundin, papawiin nito ang krisis ng pagdagsa ng suplay ng isang produkto sa isang lokalidad, dahil mahigpit na mai-kokordina ang mga pangangailangan ng iba’t ibang rehiyon at lugar sa bansa.

  7. Ang bahaging XIV, Protection of the Lands of the Beneficiaries, ang mekanismong pananggalang sa mga pakanang ispekulasyon, rekonsentrasyon ng lupa sa mga dating panginoong maylupa, reklasipikasyon at kumbersyon. Layon nitong ipreserba ang produktibidad ng lupa para sa pambansa at demokratikong interes ng mamamayang Pilipino, para sa seguridad sa pagkain, at pangangailangan ng lokal na ekonomiya at industriya.

  8. Sa bahaging XVII, patungkol sa badyet at pagpapalakas ng Department of Agrarian Reform, hindi hamak na mas mababa ang ipinapawagang badyet ng GARB kung ihahambing sa CARP. Sa mabilis na panahon ng limang taon, reresolbahin nito ang kronikong suliranin ng kawalang lupa. Ito ang makatwirang paggamit ng pondo publiko, para sa pambansa at demokratikong interes ng mamamayang Pilipino.

    Sa probisyong ito, mas lalaki ang tungkulin ng DAR, at mangangailangan pa nga ito ng dagdag na manggagawa dahil sa malaki ang kailangang i-prosesong distribusyon ng lupa sa buong bansa.

Sa kasalukuyan, nasa harap ng kongreso ang pambansa at demokratikong panukala para sa repormang agraryo, na naglalayong seryosong resolbahin ang kronikong suliraning kawalang lupa sa bansa. Ang anumang tangkang ipagpatuloy pa ang bigo nang CARP ay hindi maktwiran, kundi man ito isang malaking kamangmangan.

Dapat nang itigil ng mga nasa puder ang pagtanggi sa katotohangang ang pagpapanatili ng monopolyong kontrol ng mga malalaking panginoong maylupa sa malalawak na lupain sa bansa, ay isang malaking sagka sa pambansang kaunlaran at progreso. Napakalaki ng potensyal ng kanayunan, kung saan mayorya ng populasyon ang namumuhay, kung kaya, napapanahon na para palayain ang masang magsasaka sa kawalang lupa, kahirapan at kagutuman, at simulan na ang tamang hakbang sa tunay na kalayaan at kaunlaran.

Ito ang pahayag ng paninindigan ng PAMALAKAYA na pagsuporta sa pagsasabatas ng House Bill 239 Genuine Agrarian Reform Bill, isinusumite sa House of Representatives. Maraming salamat.

Tunay na Reporma sa Lupa, Ipaglaban!

GARB, Isabatas, Ngayon Na!

Kopya ng Pahayag ng Paninindigang Pinapanawagan ang Pagsasabatas ng House Bill 239 Genuine Agrarian Reform Bill

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published.