PAHAYAG NG PANININDIGAN NG PAMALAKAYA UKOL SA HOUSE BILL 4051 O CORAL REEF HERBIVOROUS FISH CONSERVATION ACT OF THE PHILIPPINES

PAHAYAG NG PANININDIGAN NG PAMALAKAYA
UKOL SA HOUSE BILL 4051 O CORAL REEF HERBIVOROUS FISH CONSERVATION
ACT OF THE PHILIPPINES

Ipinapahayag ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (PAMALAKAYA) ang pagtutol sa panukalang ito, sa batayang malaki ang magiging epekto nito sa kabuhayan ng maraming maralitang mangingisda sa bansa; sa lokal at pambansang ekonomiya; at sa karapatan sa pagkain ng mamamayang Pilipino.

Sa aming pagsusuri, hindi maliit na usapin ang anumang panukalang ipagbawal ang pangingisda ng partikular na uri, laluna’t kung ito ang inaasahan ng mahihirap na pamilyang mangingisda para makaraos sa papalalang kahirapan at kagutuman. Dapat din nating yakaping ang prinsipyo ng demokratikong pagbubuo ng mga patakaran sa pangisdaan, kung saan dapat na ilagay sa unahan ang kagalingan at karapatan ng mas nakararaming maliliit na mangingisda. Naninindigan ang PAMALAKAYA na ang maralitang mangingisda ay hindi responsable sa kung anumang pagkasira ng likas na kapaligiran sa karagatan o pagkaubos ng yamang-dagat, bagkus sila ang pangunahing tagapagtanggol nito kontra sa pandarambong ng malalaki at dayuhang commercial fishing vessels.

Dapat na laging panghawakan ng mga bumubuo ng mga patakaran at programa, na ang isang byahe ng malaking commercial fishing vessel ay katumbas ng 50 araw na pangingisda ng mga mangingisdang municipal. Ito ay ayon na rin sa Republic Act 8550 Fisheries Code, na 150 gross tons ang capacity ng malaking commercial fishing vessel habang ang municipal ay hanggang 3 gross tons lang. Samakatuwid, anumang usapin sa pagkaubos ng yamang-dagat ay hindi salarin ang mga maralitang mangingisda, bagkus sila ang tagapamandila ng sustainable fishing sa bansa, o ang pagkuha ng yamang dagat sa antas na malayo sa over-exploitation o todong pagkaubos ng mga ito, habang nakikinabang ang kanilang pamilya, komunidad at malawak na mamamayan.

  1. Sa Section 1, Declaration of Policy, inilalagay sa una ng panukala ang kontradiksyon ng kalikasan (environmental rights) at kabuhayan ng maliliit na mangingisda. Binanggit din na matiyak ang ‘employment of the Filipino people” samantalang ibubunga nga nito ang pagkawala ng maaasahang kabuhayan, na tutungo sa disempleyo. Hindi nakabatay sa realidad ang proteksyon sa karapatan ng mga maliliit na mangingisda, dahil ang balangkas pa rin ng panukala ay Fisheries Code, kung saan, ilang dekada nang danas ng sektor ang epekto ng mga ordinansang ipinapatupad ng mga LGU.

  2. Sa Section 2, Scope of Application, mahalagang usapin ang istatus ng pagpapatupad ng Republic Act 8550 Fisheries Code at RA 10654 of Amyenda para sa Illegal, Unreported and Unregulated Fishing (IUUF) sa Exclusive Economic Zone o EEZ habang ito ay inookupa ng mga barko ng China. Dahil sa napakaraming ulat ng pagwasak ng China sa likas na kapaligiran ng West Philippine Sea, partikular sa pamamagitan ng reclamation nito, na ayon sa mga eksperto ay umaabot sa halagang P33.1 bilyon kada taon, nawawalan ng batayan ang katwiran ng panukalang ito, kung ang mismong malaking ugat ng pagkasira ng kalikasan ng karagatan ng bansa ay hindi nareresolba. Kung ito man ay maging batas at ipapatupad lamang sa mamamayang Pilipino, katulad ng Fisheries Code at mga amyenda nito, lalabas na ito ay kontra-Pilipino at maka-dayuhan.

  3. Sa Section 4 at 5, kahalintulad ng Fisheries Code, hindi binibigyang halaga ang opinyon ng mga maliliit na mangingisda at tanging tindig ng burukrasya, mga ahensya at mga LGU, ang mananaig sa pagpapatupad nito.

    Sa katunayan, umiral na ang buhay na karanasan ukol rito ng mga maliliit na mangingisda sa kanilang pagtutol sa Palawan Council for Sustainable Development Administrative Order No. 5, na nagbabawal sa kanila sa paghuli ng “lapu-lapu” o “suno” sa kanilang katawagan.

    Taong 2014 ito inaprubahan ng lokal na pamahalaan ng Palawan, na tinutulan ng maraming maralitang mangingisda sa Palawan. Itinakda nito ang 6 na buwang closed season, ngunit dahil sa tuluy-tuloy na pagtutol ay pinaikli ito sa 3 buwan, mula Marso hanggang Mayo. Sa kasalukuyan, ang panawagan ng maliliit na mangingisda ay ilipat ito, dahil ang mismong closed season ang panahon na kung saan maaaring lumayag ang maliliit na bangka, sa gitna ng kalmadong karagatan. Ang open season naman na, mula Hunyo hanggang Pebrero ay saklaw ang habagat, bagyo at amihan, kung kailan, tanging mga commercial fishing vessel lamang ang maaaring mag-opereyt.

    Ang kautusang ito ay nagtapon sa kanila sa matinding kahirapan at kagutuman. Karaniwan silang kumikita ng P2,000 kada linggo, sa paghuli ng ilang pirasong lapu-lapu, ngunit nang nawala ang kanilang kabuhayan, may mga pamilyang mangingisdang hindi kumakain ng hapunan at nagbubunga rin sa kanila ng malalang pagkakabaon sa utang.

  4. Sa Section 7, kapansin-pansin din ang bigat ng parusa, tulad ng multang hindi bababa sa P20,000 na halos kasinghalaga na ng maliit na bangka. Samakatuwid, ang pagpapatupad nito ay maaaring mag-disempleyo sa mga mahuhuling maliliit na mangingisda.

  5. Dapat ding tantyahin ang maaaring epekto nito sa pambansa at lokal na ekonomiya, laluna’t nakasalalay rito ang mga household income ng napakaraming maralitang mangingisda. Ayon mismo sa datos ng gubyerno (PSA), umaabot sa P3.4 bilyon ang halaga ng produksyon ng lapu-lapu noong 2019, at P4.6 bilyon naman noong 2018. Mayorya nito ay mula sa municipal fishing, na P3.1 bilyon noong 2019 at 4.3 bilyon noong 2018.

    Partikular sa Palawan, ang halaga ng municipal fishing ng lapu-lapu ay umabot ng P2.2 bilyon noong 2018, at P490 milyon noong 2019. Malinaw na isa ito sa inaasahan ng mga maralitang mangingisda sa probinsya, at ang pagbabawal sa pangingisda nito ay may malaking epekto sa kanilang kabuhayan.

Sa pangkalahatan, ang PAMALAKAYA ay nagtataguyod sa interes at kagalingan ng maliliit na mangingisda sa bansa. Tunay ngang nangangailangan ng reporma sa pangisdaan, sa gitna ng epekto ng climate change, at laluna sa pandarambong ng China sa likas-yaman sa ating Exclusive Economic Zone sa West Philippine Sea. Ang aming panawagan ay bigyang timbang ang paninindigan ng maliliit na mangingisda sa anumang mga panukala, upang ito ay maging demokratiko, at ipagtanggol ang kapakanan ng bansa laban sa dayuhang interes tulad ng mga hakbang ng China sa ating karagatan. Patuloy na nananawagan ang PAMALAKAYA na ipawalambisa ang Fisheries Code, at bumuo ng pambansa at demokratikong programa ng reporma sa pangisdaan para sa interest ng mamamayang Pilipino at maralitang mangingisda.

Ito ang pahayag ng paninindigan ng PAMALAKAYA, isinusumite sa House of Representatives ukol sa House Bill 4051. Maraming salamat.

Tunay na Reporma sa Pangisdaan, Ipaglaban!

Kopya ng Pahayag ng Paninindigan ukol sa House Bill 4051.

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *