PANININDIGAN NG PAMALAKAYA KONTRA ANTI-TERRORISM ACT OF 2020 (SB 1083) AT MGA PANUKALANG AMYENDA SA REPUBLIC ACT 9372 HUMAN SECURITY ACT (HSA)

PANININDIGAN NG PAMALAKAYA KONTRA ANTI-TERRORISM ACT OF 2020 (SB 1083)
AT MGA PANUKALANG AMYENDA SA REPUBLIC ACT 9372 HUMAN SECURITY ACT (HSA)

Ang Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (PAMALAKAYA) ay mariing tumututol sa pagpasa bilang batas ng Senate Bill 1083 o Anti-Terrorism Act of 2020, at anumang panukalang amyenda sa Republic Act 9372 Human Security Act o HSA, at sa katunayan ay ipinapanawagan ang pagbasura ng batas na ito. Ito ay sa batayang nilalabag lamang at lalabagin nito ang mga pundamental na kalayaan ng mamamayang Pilipino, sa kaligtasan, buhay, kalayaan, at mga demokratikong karapatang magpahayag, mag-organisa sa sarili, mag-mobilisa, at maghain ng reklamo laban sa mga nasa puder ng kapangyarihan. Kinokontra nito ang mga prinsipyo ng demokrasya, karapatang pantao, hustisyang panlipunan at pananagutan sa mamamayan ng mga nasa kapangyarihan.

Sa kasalukuyan, ang internasyunal na komunidad o ang United Nations ay walang eksaktong depinisyon ng kasalitang “terrorism” o terorismo dahil sa magkakaibang opinyon ng mga bansa ukol rito. Sa General Assembly nito noong 1994, pinakahulugan na lamang ito bilang: “Criminal acts intended or calculated to provoke a state of terror in the public, a group of persons or particular persons for political purposes are in any circumstance unjustifiable, whatever the considerations of a political, philosophical, ideological, racial, ethnic, religious or any other nature that may be invoked to justify them.”

Sa SB 1083 naman, pinakahulugan ito sa Section 4, sa pinakamasaklaw ay “engages in acts intended to cause death or serious bodily injury to any person, or endangers a person’s life” na may layuning “to intimidate the general public or a segment thereof,” “create an atmosphere or spread a message of fear,” “seriously destabilize or destroy the fundamental political, economic, or social structures of the country,” o “serious undermine public safety.”

Sa RA 9372 naman, ay ang komisyon ng mga krimeng banggit sa iba’t ibang batas na saklaw ng Revised Penal Code, karugtong ang “thereby sowing and creating a condition of widespread and extraordinary fear and panic among the populace, in order to coerce the government to give in to an unlawful demand shall be guilty of the crime of terrorism.”

Samakatuwid, napakaraming hinatulang may-sala at lumabag sa iba’t ibang batas sa ilalim ng Revised Penal Code ay maaaring taguriang terorista. Ang isang hostage-taker sa isang mall na bumiktima sa mahigit 30, at nagbunga ng takot sa mga mamimili sa mall, ay maaaring bansagang terorista. Ang mga nag-aamok sa isang komunidad na makakapatay ng ilan at lumikha ng takot sa marami ay maaari ring maging terorista. Samakatuwid, kung ito ay maisasabatas, dadami sa mga magiging bilanggo ang maaaring ideklarang terorista. Sa kasamaang palad, maaaring isalarawan ang bansa, bilang bansa ng mga terorista kung ito nga ang mangyayari.

Sa dagdag na depinisyon mula sa SB 1083, “engages in acts intended to cause extensive damage or destruction to a government or public facility, public place or private property;” at at sa RA 9372, na kasama ang Rebellion or Insurrection, sasaklawin nito ang mga malalaking kilos-protesta, pagtatayo ng picketline at kampuhan sa kabukiran, vigil sa mga ahensya ng gubyerno, at napakalaking panganib sa mga kasapi ng mga ligal at demokratikong organisasyong karaniwang biktima ng kampanyang red-tagging ng gubyerno, pagsampa-sampa ng gawa-gawang kaso, at pagtatanim ebidensya. Ngayong hindi pa nga ito naisasabatas ay nagagawa na ng gubyerno ang pampulitikang persekusyon sa mga aktibista sa buong bansa, dagdag na instrumento ito kontra-demokrasya at kontra-karapatang pantao kung ito ay maisasabatas.

Buhay na karanasan ng aming organisasyon ang nagaganap na red-tagging sa PAMALAKAYA sa Palawan, na karaniwang pinagbibintangang kasapi ng New People’s Army o NPA ang aming mga kasapi, dahil lamang sa masugid silang nagsulong sa maraming taon, ng interes ng maliliit na mangingisda ng probinsya. Bunga nito, sapilitang pinagbibitiw ng mga lokal na opisyal ang aming mga kasapi sa aming organisasyon, at ang mismong pagkakaroon ng ID ng PAMALAKAYA ay ginagamit na batayan ng militar sa kanilang pagtarget ng bibiktimahin sa kanilang harassment. Kung ilalapat dito ang SB 1083 o pinalalang RA 9372, wala nang maglalakas-loob na maging kasapi ng aming ligal at demokratikong organisasyon dahil sa takot sa pagsasampa ng mga kaso, kung kaya, ang mga panukalang ito ay kinokontra ang esensya ng demokratikong pamumuhay at pagsusulong ng hustisyang panlipunan, na sinasalamin naman ng mismong saligang batas.

Kung mayroon mang tagapaghasik ng terorismo o paghahasik ng malawakang “terror” sa bansa, ay wala nang tatalo pa sa mismong gubyerno. Nakaukit na sa kasaysayan na ang mismong gubyerno ang naghasik ng malawakang takot sa mamamayan noong diktaduryang Marcos. Ayon sa ilang ulat: umabot ng mahigit 1,200 ang biktima ng Extra-judicial Killings o EJK; mahigit 5,000 ang kinulong, halos 900 ang biktima ng masaker; mahigit 350 ang desaparecido; at marami pang biktima ng iba’t ibang tipo ng human rights violations. Sa pagpapatupad ng Republic Act 10368 o Human Rights Victims Reparation and Recognition Act of 2013, umabot ng mahigit 11,100 ang biktima ng diktaduryang Marcos na inaprubahan ng claims board, mula sa kabuuang halos 50,000 biktima. Hindi ba ito ang mismong patunay ng gubyerno (na naaayon sa batas) na ang mismong gubyerno ang naghahasik ng malawak na terror sa mamamayan?

Sa ilalim ng rehimeng Macapagal-Arroyo, umabot ng mahigit 1,200 ang biktima ng EJK, mahigit 200 ang desaparecido, mahigit 2,000 ang inaresto sa gawa-gawang kaso, at libu-libo ang napilitang mag-bakwit o lisanin ang kanilang mga komunidad dahil sa takot sa mga operasyong militar. Noong 2007, pumunta pa sa bansa si Philip Alston na UN Special Rapporteur on Extrajudicial, Summary or Arbitrary Executions, at tinukoy niya ang responsibilidad ng gubyerno, partikular ang militar at pulis sa mga kaso ng EJK sa bansa.

Ngayon sa ilalim ng rehimeng Duterte, mismong UN Human Rights Council ang nag-apruba ng resolusyon na imbestigahan ang mga human rights violations sa bansa, bunsod ng mass killing na bunga ng “war on drugs,” at iba pang patakaran.

Bunga rin ng mga inisyu ni Pangulong Duterte na Executive Order 70 o pagbuo ng National Task Force to End the Local Communist Armed Conflict (NTF ELCAC) o “whole-of-nation” approach to counter-insurgency, at Memorandum Order 32 na sumaklaw sa Negros, Samar at Bikol, naganap ang mass killing sa Negros noong Disyembre 2018 at Marso 2019, ang mga EJK sa Samar, militarisasyon at resultang pag-bakwit ng mga magsasaka, at malawakang red-tagging o ang maging aktibista lamang ay kasapi na ng NPA. Hindi ba ito ay mismong paghahasik ng takot sa mamamayan? Na ang kahulugan ng pagiging aktibista ay kamatayan o bilangguan?

Isang malaking kapalpakan din ang RA 9372 o “Human Security” Act, dahil ang mismong depinisyon ng UN Development Program sa konseptong ito ay sumasaklaw sa pitong threats: Economic Security, Food Security, Health Security, Environmental Security, Personal Security, Community Security, Political Security. Kaya, ang batas mismo ang bumibiktima sa mga mamamayan na ipinaglalaban na makamit o ma-siguro ang mga aspeto ng Human Security. Ngunit ang batas, walang ibang probisyon kundi kontra-kuno terorismo. Saklaw din nito ang kaisipang “Freedom from Fear” na karaniwang mapayapang pamumuhay at “Freedom from Want” na pagkamit ng mga batayang pangangailangan, o pagtugon sa kagutuman, sakit, kalamidad at iba pa. Sa ilalim ng rehimeng naghahasik ng terorismo ng estado, walang saysay ang RA 9372 Human Security Act. Kaya, marapat lamang na ito ay ipawalambisa na, at hindi pa dapat inaamyendahan.

Kaya sa pangkalahatan, ang anumang pagbubuo o pag-amyenda sa Anti-Terrorism Act o Human Security Act ay walang moral na batayan. Ang batas na ito ay produkto ng bulok na kaisipang militarista o ang pagsamba sa militaristang solusyon sa sigalot o conflict, kasabay ang pagtanggi o denial sa ugat ng tunggalian. Partikular sa pag-aaklas ng New People’s Army o NPA, na simula’t sapul pa na ang anunsyo nila sa kanilang mga hakbang ay pagsusulong ng rebolusyong agraryo, o libreng pamamahagi ng lupa, sa mga maralita at aping mga magsasaka sa bansa, dapat matuto na ang mga nasa gubyerno na bigo ang militaristang solusyon, na ang mismong martial law o diktaduryang Marcos ay bigo laban dito.

Sa patuloy na pagtanggi sa lehitimong batayan ng tunggaliang ito, pumapaloob lamang ang bansa sa isang conflict trap o paulit-ulit na sigalot, dahil ang mga repormang ipinapawagan ng mga mayoryang naghihirap na mamamayan ay hindi tinutugunan. Tinukoy na ng maraming eksperto na ang mga civil war, o mga sigalot sa isang bansa, ay may malaking relasyon sa antas ng kahirapan ng mamamayan. Ang mga bansang malawak na mamamayan ay nakalugmok sa kahirapan at kagutuman ay mas posibleng magkaroon ng gera-sibil o malawakang protesta. Samakatuwid, resolbahin ang mga ugat ng panlipunang krisis na ito, ay wala nang batayan ang anumang pagbubuo ng batas na katulad ng Anti-Terrorism Bill o Human Security Act. Sa bansa, maresolba ang usapin ng lupa, sahod, trabaho, paninirahan at karapatan, ay hakbang para sa kapayapaang nakabatay sa hustisyang panlipunan. Sa mga maralitang mangingisda, matugunan ang tunay na reporma sa pangisdaan, ay magpapalaya sa kanila sa ilang dekada nang klasipikasyon na “poorest of the poor” at makapag-aambag pa ng malaki sa pambansang ekonomiya at pag-unlad.

Muli, tinutulan ng PAMALAKAYA ang SB 1083 Anti-Terrorism Bill at mga panukalang amyenda sa RA 9372 Human Security Act, at ipinapanawagan ang pagpapawalambisa nito. Ito ang pahayag ng paninindigan ng PAMALAKAYA, isinusumite sa House of Representatives at Senado. Maraming salamat.

Demokrasya, Kalayaan at Karapatang Pantao, Ipaglaban!

Kopya ng Pahayag ng Paninindigan Kontra Anti-Terrorism Bill at Panukalang Amyenda sa Human Security Act.

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published.