Pahayag ng Pamalakaya para
sa Pagtatag ng Justice for Echanis, Justice for All o JEJA Network
Setyembre 19, 2020, Quezon City
Hustisya para kay Ka Randy Echanis! Hustisya para sa lahat ng biktima ng extra-judicial killings at paglabag sa karapatang pantao! Isabuhay natin ang makasaysayang ambag ni Ka Randy sa pagsusulong ng interes ng masang magsasaka, mangingisda at maralita!
Mahalaga ang ambag ni Ka Randy sa pagpapalakas, pagpapalawak at pagkokonsolida sa pambansang kilusan ng mamamalakaya. Sa mga nakaraang dekada, instrumental si Ka Randy para epektibong masapul ng Pamalakaya ang susing kawing sa sektor mangingisda, pagsusulong ng pambansa-demokratikong interes, at pagbaka sa mga nakaraang repormistang pagkakamali.
Paulit-ulit na paalala ni Ka Randy sa mga kampanyang masa at pakikibaka, na kung walang kilusang masa, walang mabubuong alyansa, walang mabubuong suporta mula sa iba’t ibang sektor, walang tagumpay na aasahan sa mga pakikibakang ligal at parlyamentaryo, samakatuwid, walang repormang makakamit para sa interes ng masa.
Mahalaga ang ambag ni Ka Randy sa pagbubuo 10-Puntong Programa ng Tunay na Reporma sa Pangisdaan, na nagtataguyod ng makauring interes ng maliliit na mangingisda, at pambansang interes ng mamamayang Pilipino kontra sa imperyalistang pandarambong at agresyon.
Si Ka Randy ang nagsulong ng mga probisyon para sa mga maliliit na mangingisda sa Agrarian Reform and Rural Development o ARRD sub-agenda, sa loob ng Comprehensive Agreement on Socio-Economic Reforms o CASER ng National Democratic Front of the Philippines o NDFP, sa peace negotiations sa pasista at inutil na kasalukuyan at nakaraang rehimen.
Marami rin siyang mahahalagang paalala sa pagbubuo ng Genuine Fisheries and Aquatic Reforms Bill o GFARB, para ibasura ang RA 8550 Fisheries Code at mga amendments nito. Gayundin, sa walang puknat na pagkontra sa imperyalistang agresyon at pandarambong ng Tsina sa West Philippine Sea.
Sa kanyang pagkamatay, tanganin natin ang diwa ng pakikibaka at palagi nating isapuso’t isadiwa na nanindigan si Ka Randy para sa interes ng masa, hanggang sa huli niyang hininga. Bigo ang mga pasista na siya ay baliin o pasukuin, si Ka Randy ang tunay na nagtagumpay dahil ang kanyang sakripisyo ay magsisilbing apoy pa para sa mas marami pang aktibistang masa at mamamayan, na kumilos para sa mga pundamental na reporma sa lipunan, pambansang kalayaan at demokrasya.
Mabuhay ang Alaalang Pakikibaka ni Ka Randy, Bayani at Martir ng masang anakpawis!
Justice for Echanis, Justice for All!
Singilin ang pasista at inutil na rehimeng US-Duterte!
Rehimeng US-Duterte, Patalsikin!